Saturday, August 22, 2009

Papunta Ka Pa Lang, Pabalik Na Ko

Sa panulat ni Max Bringula
Nilathala sa Abante Middle East Edition (20 August 2009)

Ay naku iho, papunta ka pa lang, pabalik na ‘ko” ang pinakadiin-diinan ni lola sa akin nang minsang ako’y nagpapaliwanag sa kanya.

Eh ba’t di po tayo nagkita” ang pabiro ko namang sagot. “Huwag ka ngang pilosopo riyan” ang kagyat namang sagot ni lola.

Nakakakatuwa subalit minsan hindi maintindihan o makita ng mga kabataan ngayon ang kahalagahan ng mga gintong aral na kanilang matututunan kung sila lamang ay makikinig sa sinasabi ng mga nakatatanda o henerasyong nauna sa kanila.

Ipinipilit ang gusto na sa akala nila’y wasto at tamang paraan subalit kinalaunan ay sa magulang din o sa nakatatanda tatakbo kapag nagipit na at di na alam ang gagawin.

Iba no po ang panahon ngayon lola”, ang isasagot pa ng iba marahil. “Di na po puwede ang pakipot. Kapag may gusto ka, sunggab agad, huwag ng magpakipot kungdi mauunahan ka ng iba.”

Iyan ang kadalasang maririnig mo sa mga kabataan ngayon. Supersonic age na raw kung kaya’t di na pupuwede yung babagal-bagal at pakiyeme-kiyeme. “Jele-jele, bago quiere” ang wika nga sa Kastila. “Aayaw-ayaw, pero gusto rin naman”.

Dati-rati, kapag nahawakan lamang ng maginoong binata ang dulo ng daliri ng mayuming dalaga ay ipakakasal na agad. Ngayon, nakuha na lahat-lahat at napabagsak na pati ang Bataan, mapalad na kung mapakasalan ang mapagparayang dalaga. Ang iba pa nga’y dalawa’t tatlo na ang supling nang dalhin si misis sa altar para pakasalan. Ibang-iba na nga, lola, ang panahon ngayon.

Noong araw din bago makamit ng binata ang matamis na “oo” (matamis pa rin nga ba?) ng dalagang sinisinta, dapat munang magpakitang-gilas ang ating binata. Dapat mag-igib ng tubig, magsibak ng kahoy at kumpunihin ang sirang bubong o dingding ng kubo. Ngayon, “oo” ay kay daling makamit. “Singko-diyes laang” puwede na, sabi nga ng iba.

Noong araw din mapalad na na masilayan ng binata ang mukha ng dalaga pagkat ang huli’y lagi na lamang may tangang abanikong nakatakip sa mukha bagama’t minsan-minsa’y nagnanakaw din naman ng sulyap ang dalaga sa binatang iniibig. Ngayon, anong takip-takip? Wala na nga minsang maitatago pa. Walang bahagi ang di na lantad. Sabi nga ng ibang mga manang “nagdamit ka pa, iha”.

Ay naku, lola, iba na nga talaga ang panahon ngayon.”

Sa bilis ng takbo ng teknolohiya sa ating panahon, madali ngang pinapawi ng makabagong terminolohiya, modernong pamumuhay at ng mapaglarong kaisipan ang mga ginintuang aral na dulot ng ating kasarinlan at mayamang lahi.

May katuwiran nga sila sa pagsasabing “Papunta ka pa lang, pabalik na ko” pagka’t batid nila ang kahahantungan ng ating gawi na taliwas sa dati.

Ang pagsang-alang-alang sa mga turo at halimbawa ng ating mga ninuno ay isang mainam at matalinong gawain tulad ng pagsusuri sa naganap at nagdaan sa ating kasaysayan. Maraming aral tayong matututunan sa kanilang halimbawa, maraming mali na maiwawasto at maiiwasang maulit muli, at mga turo na magsisilbing giya at pamantayan sa mga gagawin pa upang tagumpay ay matiyak at pagkakamali’y maiwasan.

Kung kaya’t sa sandaling ating marinig ang kasabihang “Papunta ka pa lang, pabalik na ko” huwag itong balewalain bagkus pakalimiin baka tayo’y nalilihis na nga.

Ang kasabihang ito’y tulad din ng nauna nating nailathala na kasabihang “Ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan” (Abante ME Edition, 27 July 2009). Napakahalaga na suriin palagi ang ating mga gawi at makabagong kaisipang natatanggap pagka’t minsan sa halip na tayo ay mapabuti ay lalo lamang tayong nabubulid sa maling pamumuhay.

Bagama’t tayo’y dapat sumabay sa takbo ng panahon, huwag din nating kalimutang lingunin ang dinaanan ng mga naunang henerasyon. Pagkat bago tayo makarating roon, dinaanan na nila iyon.

Tama po kayo, lola” ang aking napagtanto-tanto sa huli.

************

Dagdag na “Makabagong Kasabihang-Pinoy

Mula sa blog ni Eli (
http://www.nurse4ever.com) aking nabasa ang mga makabagong salawikain na ito na nais kong ibahagi sa inyo.

*Walang matiyagang lalake.. na manligaw sa mukhang binabae.

*Ang sakit ng kalingkingan, dapat ipatingin sa doktor.

*Pag may usok… baka nsa langit kana!

*Kapag bukas ang kaban, nakalimutang takpan.

*Kapag ang ilog ay tahimik, walang nagsi-swimming.

*Sa larangan ng digmaan.. nakikilala kung sino ang bading.

*Papunta ka pa lang, ako rin, sabay na tayo!

*Ang taong naglalakad nang mabagal, nasa moon.

*Ako ang nagtanim, ang nagbayo at nagsaing, subalit nang maluto’y iba ang kumain.. bwisit na pusa yan.

*Magbiro ka na sa lasing.. wag lang sa matsing, di ka magegets non!

*Ang taong naglalakad nang mabagal, nagtetext.

*Ang taong nagigipit.. lahat ng pwedeng utangan kinukulit.

*Ang taong naglalakad nang mabagal.. bagong tuli.

*Ang taong hindi marunong lumingon sa kanyang pinanggalingan… adiksa text.

*Laging nasa huli, ang pinakamatangkad.

(For comments and reactions, please eMail at
maxbringula@yahoo.com or send text message only on 00-966-502319535)

Sunday, August 9, 2009

Bahala Na (Que Sera, Sera)

Sa panulat ni Max Bringula
Abante Middle East Edition, 10 August 2009

Que sera, sera
Whatever will be, will be
The future’s not ours to see
Que sera, sera
What will be, will be.

Ito’y lyrics ng popular na awit noon ni Doris Day (circa 1956) na paminsan-minsan ay naririnig pa natin o ating inaawit marahil kapag tayo’t ganadong kumanta.

Que sera, sera…” ito’y salitang Kastila na kung sa Tagalog ay maaaring i-translate sa simpleng katagang “Bahala Na”, o sa kasabihang “kung ukol, bubukol”.

At ito ang ating bibigyan ngayon ng pansin sa ating lingguhang Kasabihang-Pinoy, ang salitang “bahala na”.

Madalas nating naririnig ang katagang ito. Palasak na nga siya kung maituturing.

Bahala na!” yan ang bukam-bibig kapag di matiyak kung uubra ba o hindi ang gagawin dahil marahil sa kakulangan ng panahon o ng akmang pamamaraan kung papaanon gagawin ang isang bagay. Na ang nais ipakahulugan ay “kung uubra, fine. Kung hindi, OK lang.” Kumbaga, ipinasasa-Diyos ang magaganap. Kung ano ang Kanyang kalooban ay siyang mangyayari.

Maitutulad din ito sa madalas sambitin ng mga katutubo rito, yung “Inshallah” na ang tuwirang translation sa Ingles ay “if God’s will”. Kunsabagay, ang salitang “bahala na” ay hango rin naman sa salitang “Bathala”, isang malalim na translation sa Tagalog ng Diyos.

Ito ang positibong paggamit ng salitang “bahala na”. Na hindi natin hawak ang bukas. Na hindi natin mailalagay sa ating palad ang kapalaran ninuman, kung kaya’t dapat nating ipasa-Diyos ang magaganap. Kung ano ang Kalooban Niya.

Yun nga lamang, kadalasan mali ang aplikasyon at minsa’y naaabuso ang paggamit sa salitang “bahala na” o “Inshallah” o ang salitang “Que sera, sera”. Ito’y ginagamit na lamang scapegoat o panakip-butas para maiwasan ang isang bagay na gagawin o isang commitment na dapat tuparin. “God-willing” ang idaragdag pa, pero sa totoo lang ay wala namang balak na gawin o tuparin ang salita o pangakong binitawan.

At sa bahaging ito, marami sa atin ang makaka-relate. Na dahil nagka-subuan na, ang isasagot na lamang ay “bahala na” kahit maliwanag pa sa sikat ng araw sa katanghaliang-tapat na di mo ito magagawa o matutupad. Ang Pilipino pa naman ay may ugaling di makatanggi. Hindi marunong magsabi ng “hinde”. Dahil sa kultura na rin natin na pagiging “hospitable” na sa halip na maging asset natin bilang Pilipino ay nagiging sanhi pa upang tayo’y maabuso.

Ang katagang “bahala na” ay tumutukoy din sa mga mediocre na ating ginagawa. Yung hindi pagbibigay ng sapat na oras at paghahanda o kaya’y ang pabara-barang pagkilos at hindi pinag-iinam o pinaghuhusay. Kung ano lang ang meron, kung ano lang ang ibig, yun ang gagawin bagama’t may mainam pa tayong maibibigay o magagawa.

Minsan ko nang naisulat sa kolumn na ito ang magandang halimbawa na matutunan natin sa mga langgam. Sila’y maliliit lamang na nilikha ng Diyos subalit napakalaki ng kanilang nagagawa dahil sila’y masipag, masinop at hindi mahilig magsabi ng “bahala na”.

Marunong silang magpahalaga sa bawat araw. Hindi tatamad-tamad. Nagtratrabaho habang may araw, habang may lakas. Hindi pabandying-bandying. Hindi panay good-time. Tipak-tipak na karne at kanin ang bitbit nila sa kanilang likuran at iniipon sa kanilang imbakan, upang pagdating ng bagyo ay may sapat silang makakain. Wala sa bokabularyo nila ang katagang “bahala na”.

Ikaw, ako, tulad rin ba tayo ng langgam? O tayo’y nilalanggam dahil sa sobrang tamis ng ating ngiti pagkat nangingiti tayo sa ating sarili.

Nawa’y ang ngiting iyan ay sanhi ng katiyakang tayo’y nakapaghanda na at dahil marunong tayong magpahalaga sa bawat araw na dumaratal sa ating buhay.

Hindi nagsasabing “bahala na” kungdi tinitiyak na sa bawat gagawin ito’y paghuhusayin at tutuparin.


2009 copyrighted

Ang Naglalakad ng Matulin, Kung Matinik ay Malalim

Ang naglalakad ng matulin, kung matinik ay malalim."

Kadalasan kapag ako’y nag-i-stopover either sa Bahrain Airport, o sa Dubai, o kaya’y sa Hongkong bago tumulak pa-Maynila sa aking taunang pagbabakasyon, naaaliw akong pagmasdan ang mga taong dumaraan habang ako’y naghihintay ng aking departure flight.

Sa aking pagmamasid, napansin ko ang dalawang uri ng mga pasaherong pang-himpapawid. Ang una’y yung mga lumalakad ng mabilis na para bagang may hinahabol o tinatakasan, dahil marahil mahuhuli na sila sa kanilang flight. At yung isa’y yung mga lumalakad ng mabagal na sadyang ninamnam ang bawat minuto sa pagmamasid sa paligid ng airport o sa pag-ikot sa duty-free dahil may dalawa, tatlo, apat o higit pang oras ang hihintayin bago ang kanyang boarding time.

Ganito rin maihahambing ang paglakad ng tao sa mundong ibabaw. May nagmamadali na halos hatakin ang bawat minuto o oras. Gusto’y laging instant, agad-agad. At kung mag-desisyon ay padalus-dalos, di binibigyan ng lubos na pag-iisip, “ng maka-sampu o maka-isandaang beses na pag-iisip”, sabi nga ng iba. Walang plano, bara-bara lang ang pag-atake sa buhay. Kung kaya’t kadalasan ang resulta ay – kalugihan, pagkatalo at kabiguan.

Ito ang sinasaad ng ating Kasabihang-Pinoy na “ang naglalakad ng matulin, kung matinik ay malalim.”

Na kung walang paghahandang gagawin, kung walang maayos at malinaw na plano, kung pabigla-bigla at padalus-dalos ang mga desisyon, kung ang pananaw natin sa buhay ay “live and let die” or “eat, drink and be merry for tomorrow you’ll die” – tiyak na sa kankungan tayo pupulutin pag nagkataon.

Sa aking pakikipag-usap sa kapwa ko Pilipino o OFWs, aking napag-alaman na marami sa kanila ay isang dekada na o higit pa ang inilagi sa abroad. Ang iba nga’y dito na pumuti ang buhok, at ang iba’y dito na rin naubos. “Ala na buhok, ala pa pera”, ang birong minsa’y aking narinig. Subalit totoo. Marami sa atin, dito na nagkamalay, dito na rin nawalan ng malay.

But the one-million dollar question is - Hanggang ilang taon pa kaya ang ilalagi natin sa abroad? Ilang beses pa kaya tayong magpapabalik-balik dahil walang naipundar at di pa rin kayang umuwi “for good”. Ang iba nga ay magsasabing “exit na ako”, “uwi na ako for good”. Subalit kamukat-mukat mo ilang buwan pa lang andiyan na naman. Umuwi lang pala siya for good, dahil babalik siya “for the better”. Lalo na ngayon na patuloy na humihirap ang buhay sa atin, lalo na sa mga mahihirap at middle-level earner. Dagdag pa ang nararanasang worldwide recession.

Ngayon mas higit na nararapat na mag-plano ng maigi. Tiyaking matibay ang kinabukasang darating.

Wag sumabay sa mabilis na takbo ng panahon. Wag lumakad ng pagkatulin-tulin upang kung matinik ay di napaka-lalim. Minsa’y sa labis na paghahangad na maka-agapay sa tulin ng takbo ng buhay, pati pamilya’y napapabayaan, sarili’y napapariwara at bawat taong lumilipas ay nasasayang lamang.

Maghinay-hinay. Bagalan ang lakad. Mag-plano. Mag-isip at magbulay-bulay kung ano ang nararapat gawin upang matiyak ang tagumpay sa bawat larangan ng buhay at mundong ating ginagalawan – ito’y may sa pisikal, materyal, pinansiyal at espirituwal.

Huwag magmadali, pagka’t sa paglakad lang ng mabagal ating mamasdan ang kagandahan ng paligid, at sa paglakad lang ng may direksiyong tinutunguhan ating mababatid ang tunay na layunin ng buhay. Upang “kung matinik man ay mababaw lamang at di malalim ang kasasapitan o kahihinatnan.”