Tuesday, September 8, 2009

Kung May Gusot, May Lusot

Akda ni Max Bringula
Abante ME Edition, 06 Sep 09

Yan ang minsan na binibigkas ng karamihan kapag nasusuong sa kaguluhan o nahaharap sa mabibigat na problema. Isang katagang nakapagbibigay sigla at pag-asa sa sinumang ang pakiwari’y hindi na makakatakas sa gusot na kinasadlakan.

Kung may gusot, may lusot” – na ang ibig sabihin ay gaano man kalaki at kabigat ang problemang kinasuutan, malulusutan pa rin ito. Di agad pinanghihinaan ng loob bagkus nag-iisip at gumagawa ng paraan. Sa payak na pananalita, may diskarte.

At ang Pinoy ay magaling diyan. Pag diskarte na ang pag-uusapan, di mo matatalo ang Pinoy. Kaya nga’t hinahangaan tayo sa buong mundo sa ating angking talino at kakaibang tatag at tining ng loob.

Na kahit sa gitna ng kalamidad, unos at bagyo, nakaka-ngiti pa rin tayo. Nakaka-tawa at nakapagbibiro pa rin. Naibabaling natin ang trahedya sa simpleng komedya.

Na kahit na sumusuong sa baha, lumilikas sa nagbabantang pagsabog ng Mt. Pinatubo o Mt. Mayon, kahit na patuloy ang pagtaas ng krudo at langis, pati na ng presyo ng mga bilihin, at tayo na nga lamang yata ang di tumataas at napag-iiwanan pa ring pandak, may ngiti pa rin tayong taglay at nagagawang magbiro at magsabi ng joc…joc… bola-nte lang po. Hehehe

At kahit na mangibang-bayan tulad nating mga OFW’s kung ituring, dala-dala pa rin natin ang katangiang iyan na siya namang dahilan kung bakit tayo’y labis na naiibig ng mga katutubo’t ibang lahing kasama natin.

Na pag binigyan mo ng trabaho, gaano man kahirap o kumplikado ito, tiyak “he will pass the test with flying colors”. “Wa-is kasi ang Pinoy”, ang pagmamalaki mo pa marahil.

Yun nga lamang, minsan ang angking talinong ito ng Pinoy ay nagagamit sa di tamang paraan at layunin sa halip na ito’y maging daan niya sa isang buhay na matagumpay at tahimik.

Dahil “wa-is”, gagawa ng anomalya at iba pang mga hokus-pokus sa trabaho man o sa personal na buhay sa paniniwalang malulusutan iyon.

Ilang mga kababayan na ba natin na bagama’t may asawa na’t anak sa Pilipinas ay namamangka pa rin sa dalawang ilog? Nagiging binata ang turing sa sarili pag nasa ibang bayan na. Nag-aayos “bagets’ kahit “forgets” na. Naninilaw sa alahas at halos makuba at mabali ang leeg sa bigat ng kuwintas na nakasublit, mapabilib lamang ang dilag (o misis) na pinopormahan. At kapag nabisto na ni Kumander, palalakasin ang loob sa pagsasabing “kung may gusot, may lusot”. Gagawa na ng isang libo’t isang laksang mga palusot upang matakasan ang gusot. Iimbento na ng iba’t ibang alibi at pangangatuwiran upang itago ang mali at magmukhang tama ang gawi. Subalit gaano man tayo ka-henyo sa “pagbubulid ng sinulid” ika nga ng matatanda o sa simpleng pananalita, ‘sa pagsisinungaling’, di pa rin ito katiyakang malulusutan ang gusot na tayo rin ang may likha.

Ang totoo, ang kasabihang ito’y dapat maging “Kung may lusot, (tiyak na) may gusot”. Na ang ibig sabihin ay kapag tayo ay lusot ng lusot, susuungin ang ano mang malulusutan makamit lamang ang nais at pakay at mailigtas ang sarili sa kapahamakang sinuungan, sigurado akong gusot ang ating kahahantungan. Hindi baga ang mahilig magpalusot kapahamakan ang nakakamtan? Kahit maliwanag pa sa araw sa tanghaling tapat ang nagdudumilat na katotohanan, pilit pa ring ikukubli at magpapalusot. Kitang-kita na nga na milyones ang halaga ng hapunan, magpapalusot pa rin. Hindi raw sa kaban ng bayan galing iyon kung kaya’t ang pobreng Juan dela Cruz ay wala raw dapat ikabahala. Ano raw? Sabihin nyo yan sa lelong nyong panot. Mahilig kasing magpalusot kaya tuloy gusot ang nasusuungan.

Gayundin naman, may iba sa atin bagamat di ko nilalahat, na kung ano yung bawal ay siya naming gustong-gustong gawin. “Bawal na Pag-ibig” ang madalas awitin at “tukso, layuan mo ako” ang laging isinisigaw, subalit ang paa nama’y papalapit ng papalapit sa tuksong iniiwasan (daw). Bawal na gamot, alak, at sugal – yan ang nagiging pampalipas oras. “Homesick kasi ako, kabayan” ang ikakatuwiran pa. Subalit alam naman natin na ang mga ganitong gawi ay walang buting dulot kungdi sakit ng katawan at kalooban. Na kapag nalagay na sa alanganin, gagawa na ng palusot upang makaiwas sa gusot dahil daw “kapag may gusot, may lusot.” Tama ba yon?

Ang totoo, walang gusot kung hindi tayo mahilig mag-palusot. Kung tayo’y mamumuhay ng tama, magkakaroon ng takot sa Diyos, at matututong magmahal sa kapwa na di natin sila lolokohin o pagsasamantalahan, tiyak akong walang gusot, bagkus isang matuwid, payapa at kaaya-ayang buhay ang ating malalasap.

Subalit kung tayo’y mahilig magpalusot, tiyak akong hindi lang gusot ang aabutin natin, kungdi gula-gulanit pa at warak-warak na buhay ang ating kakamtin, na kung hindi sa tulong ng Poong Maykapal, di tayo marahil makalulusot sa gusot na sinuungan.

Salamat na lamang may kasabihan tayong “Kung may gusot, may lusot” na nagsasabing “habang may buhay, may pag-asa”. Malalagpasan natin ang ano mang suliranin, pagsubok at dagok na dumarating sa ating buhay. Na kung tayo man ay nasuong sa isang gusot na di naman natin ibig o nais bagkus nasadlak lamang doon dahil sa bugso ng damdamin na di maiwasan at sa labis na paghahangad sa materyal at pisikal na kasiyahan, tayo’y huwag mawawalan ng pag-asa, pagka’t mayroon pa ring isang nagmamahal sa atin na di tayo iiwan magpakailanman, na siyang mag-aalis sa atin sa gusot na kinasapitan – ang Poong Maykapal.

Yun nga lamang, ating pakatandaan na huwag na huwag ng magpapalusot muli upang makaiwas sa gusot. Pagkat baka kinalaunan ang Kasabihang-Pinoy na “kung may gusot, may lusot” ay maging “kung may lusot, tiyak na may gusot”. Kung magkakagayon, baka sa kankungan ang bagsak natin.

Para sa iba pang serye ng Kasabihang-Pinoy, bumisita lamang sa
http://kasabihang-pinoy.blogspot.com/

(For comments and reactions, please eMail at
maxbringula@yahoo.com or send text message only on 00-966-502319535)

************

Mga Reaksiyon sa “Kasabihang-Pinoy”

Sa “Papunta Ka Pa Lang, Pabalik Na ‘Ko” (nailathala noong 20 August 2009)

This time, nakakatawa at nakakatuwa ka. Keep it up. . . and thank you” – Abdulkarim Cortado ng Zamil Group.

*******

Sa “Bahala Na (Que Sera, Sera)” (Inilathala noong 10 August 2009)

Kung 'di uukol, bubukol... pero sinabi mo "kung 'di ukol, (dapat) bukol"...he he he!

which is correct kasi in a sense masarap batukan ang taong walang commitment sa binitawang salita...as in mag-iisip ka kung hanggang kailan ka maghihintay o kung may hinihintay ka man.” – Anna Gapuz

*******

Kayo pala si Max Bringula, Sir. Agawan kami kapag may “Kasabihang-Pinoy” sa Abante. Sana laging meron.” – Isang kababayan at mambabasa ng Abante sa Qatar