Sunday, August 9, 2009

Ang Naglalakad ng Matulin, Kung Matinik ay Malalim

Ang naglalakad ng matulin, kung matinik ay malalim."

Kadalasan kapag ako’y nag-i-stopover either sa Bahrain Airport, o sa Dubai, o kaya’y sa Hongkong bago tumulak pa-Maynila sa aking taunang pagbabakasyon, naaaliw akong pagmasdan ang mga taong dumaraan habang ako’y naghihintay ng aking departure flight.

Sa aking pagmamasid, napansin ko ang dalawang uri ng mga pasaherong pang-himpapawid. Ang una’y yung mga lumalakad ng mabilis na para bagang may hinahabol o tinatakasan, dahil marahil mahuhuli na sila sa kanilang flight. At yung isa’y yung mga lumalakad ng mabagal na sadyang ninamnam ang bawat minuto sa pagmamasid sa paligid ng airport o sa pag-ikot sa duty-free dahil may dalawa, tatlo, apat o higit pang oras ang hihintayin bago ang kanyang boarding time.

Ganito rin maihahambing ang paglakad ng tao sa mundong ibabaw. May nagmamadali na halos hatakin ang bawat minuto o oras. Gusto’y laging instant, agad-agad. At kung mag-desisyon ay padalus-dalos, di binibigyan ng lubos na pag-iisip, “ng maka-sampu o maka-isandaang beses na pag-iisip”, sabi nga ng iba. Walang plano, bara-bara lang ang pag-atake sa buhay. Kung kaya’t kadalasan ang resulta ay – kalugihan, pagkatalo at kabiguan.

Ito ang sinasaad ng ating Kasabihang-Pinoy na “ang naglalakad ng matulin, kung matinik ay malalim.”

Na kung walang paghahandang gagawin, kung walang maayos at malinaw na plano, kung pabigla-bigla at padalus-dalos ang mga desisyon, kung ang pananaw natin sa buhay ay “live and let die” or “eat, drink and be merry for tomorrow you’ll die” – tiyak na sa kankungan tayo pupulutin pag nagkataon.

Sa aking pakikipag-usap sa kapwa ko Pilipino o OFWs, aking napag-alaman na marami sa kanila ay isang dekada na o higit pa ang inilagi sa abroad. Ang iba nga’y dito na pumuti ang buhok, at ang iba’y dito na rin naubos. “Ala na buhok, ala pa pera”, ang birong minsa’y aking narinig. Subalit totoo. Marami sa atin, dito na nagkamalay, dito na rin nawalan ng malay.

But the one-million dollar question is - Hanggang ilang taon pa kaya ang ilalagi natin sa abroad? Ilang beses pa kaya tayong magpapabalik-balik dahil walang naipundar at di pa rin kayang umuwi “for good”. Ang iba nga ay magsasabing “exit na ako”, “uwi na ako for good”. Subalit kamukat-mukat mo ilang buwan pa lang andiyan na naman. Umuwi lang pala siya for good, dahil babalik siya “for the better”. Lalo na ngayon na patuloy na humihirap ang buhay sa atin, lalo na sa mga mahihirap at middle-level earner. Dagdag pa ang nararanasang worldwide recession.

Ngayon mas higit na nararapat na mag-plano ng maigi. Tiyaking matibay ang kinabukasang darating.

Wag sumabay sa mabilis na takbo ng panahon. Wag lumakad ng pagkatulin-tulin upang kung matinik ay di napaka-lalim. Minsa’y sa labis na paghahangad na maka-agapay sa tulin ng takbo ng buhay, pati pamilya’y napapabayaan, sarili’y napapariwara at bawat taong lumilipas ay nasasayang lamang.

Maghinay-hinay. Bagalan ang lakad. Mag-plano. Mag-isip at magbulay-bulay kung ano ang nararapat gawin upang matiyak ang tagumpay sa bawat larangan ng buhay at mundong ating ginagalawan – ito’y may sa pisikal, materyal, pinansiyal at espirituwal.

Huwag magmadali, pagka’t sa paglakad lang ng mabagal ating mamasdan ang kagandahan ng paligid, at sa paglakad lang ng may direksiyong tinutunguhan ating mababatid ang tunay na layunin ng buhay. Upang “kung matinik man ay mababaw lamang at di malalim ang kasasapitan o kahihinatnan.”

4 comments:

  1. Naku po di to hinahanap ko. Di kwento meaning hanap ko ehh :((

    ReplyDelete
    Replies
    1. at least po may na ipamahagi sya ang damidami kasi di to ka mag hahanap

      Delete
  2. Salamat sa words of wisdom na iyong naipamahagi. Mayroon ka pa rin bang iba pang kasabihan na maipapamahagi?

    Raphael

    ReplyDelete
  3. ok lang al least may sariling opinyon ka may na ipamamahagi ka thnx
    kahit hinde itong hinahanap ok :)

    ReplyDelete