Sunday, August 9, 2009

Bahala Na (Que Sera, Sera)

Sa panulat ni Max Bringula
Abante Middle East Edition, 10 August 2009

Que sera, sera
Whatever will be, will be
The future’s not ours to see
Que sera, sera
What will be, will be.

Ito’y lyrics ng popular na awit noon ni Doris Day (circa 1956) na paminsan-minsan ay naririnig pa natin o ating inaawit marahil kapag tayo’t ganadong kumanta.

Que sera, sera…” ito’y salitang Kastila na kung sa Tagalog ay maaaring i-translate sa simpleng katagang “Bahala Na”, o sa kasabihang “kung ukol, bubukol”.

At ito ang ating bibigyan ngayon ng pansin sa ating lingguhang Kasabihang-Pinoy, ang salitang “bahala na”.

Madalas nating naririnig ang katagang ito. Palasak na nga siya kung maituturing.

Bahala na!” yan ang bukam-bibig kapag di matiyak kung uubra ba o hindi ang gagawin dahil marahil sa kakulangan ng panahon o ng akmang pamamaraan kung papaanon gagawin ang isang bagay. Na ang nais ipakahulugan ay “kung uubra, fine. Kung hindi, OK lang.” Kumbaga, ipinasasa-Diyos ang magaganap. Kung ano ang Kanyang kalooban ay siyang mangyayari.

Maitutulad din ito sa madalas sambitin ng mga katutubo rito, yung “Inshallah” na ang tuwirang translation sa Ingles ay “if God’s will”. Kunsabagay, ang salitang “bahala na” ay hango rin naman sa salitang “Bathala”, isang malalim na translation sa Tagalog ng Diyos.

Ito ang positibong paggamit ng salitang “bahala na”. Na hindi natin hawak ang bukas. Na hindi natin mailalagay sa ating palad ang kapalaran ninuman, kung kaya’t dapat nating ipasa-Diyos ang magaganap. Kung ano ang Kalooban Niya.

Yun nga lamang, kadalasan mali ang aplikasyon at minsa’y naaabuso ang paggamit sa salitang “bahala na” o “Inshallah” o ang salitang “Que sera, sera”. Ito’y ginagamit na lamang scapegoat o panakip-butas para maiwasan ang isang bagay na gagawin o isang commitment na dapat tuparin. “God-willing” ang idaragdag pa, pero sa totoo lang ay wala namang balak na gawin o tuparin ang salita o pangakong binitawan.

At sa bahaging ito, marami sa atin ang makaka-relate. Na dahil nagka-subuan na, ang isasagot na lamang ay “bahala na” kahit maliwanag pa sa sikat ng araw sa katanghaliang-tapat na di mo ito magagawa o matutupad. Ang Pilipino pa naman ay may ugaling di makatanggi. Hindi marunong magsabi ng “hinde”. Dahil sa kultura na rin natin na pagiging “hospitable” na sa halip na maging asset natin bilang Pilipino ay nagiging sanhi pa upang tayo’y maabuso.

Ang katagang “bahala na” ay tumutukoy din sa mga mediocre na ating ginagawa. Yung hindi pagbibigay ng sapat na oras at paghahanda o kaya’y ang pabara-barang pagkilos at hindi pinag-iinam o pinaghuhusay. Kung ano lang ang meron, kung ano lang ang ibig, yun ang gagawin bagama’t may mainam pa tayong maibibigay o magagawa.

Minsan ko nang naisulat sa kolumn na ito ang magandang halimbawa na matutunan natin sa mga langgam. Sila’y maliliit lamang na nilikha ng Diyos subalit napakalaki ng kanilang nagagawa dahil sila’y masipag, masinop at hindi mahilig magsabi ng “bahala na”.

Marunong silang magpahalaga sa bawat araw. Hindi tatamad-tamad. Nagtratrabaho habang may araw, habang may lakas. Hindi pabandying-bandying. Hindi panay good-time. Tipak-tipak na karne at kanin ang bitbit nila sa kanilang likuran at iniipon sa kanilang imbakan, upang pagdating ng bagyo ay may sapat silang makakain. Wala sa bokabularyo nila ang katagang “bahala na”.

Ikaw, ako, tulad rin ba tayo ng langgam? O tayo’y nilalanggam dahil sa sobrang tamis ng ating ngiti pagkat nangingiti tayo sa ating sarili.

Nawa’y ang ngiting iyan ay sanhi ng katiyakang tayo’y nakapaghanda na at dahil marunong tayong magpahalaga sa bawat araw na dumaratal sa ating buhay.

Hindi nagsasabing “bahala na” kungdi tinitiyak na sa bawat gagawin ito’y paghuhusayin at tutuparin.


2009 copyrighted

No comments:

Post a Comment